BLOGGER TEMPLATES AND TWITTER BACKGROUNDS »

Search This Blog

Wednesday, April 13, 2011

Panibagong Kalayaan

Ilang beses ng napatunayan ng mga Pilipino ang katapangan at kabayanihan upang makamit ang kalayaan. Kung ating babalikan ang kasaysayan, naging uhaw na uhaw sa kaluwalhatian ang ating mga ninuno. Ngunit sa kabila ng lahat, salat man sa materyales at estratehiya, pagkakaisa ang kanilang unang naging susi upang mapagtagumpayan ang nasimulang laban.

Habang tumatagal, natututo ang tao ng iba’t ibang kakayahan at kaalaman. Kasama dito ang pag-unlad ng intelektwal na kahustuhan. Kaya’t kung susuriin nating mabuti, mula sa marahas na pagdanak ng dugo ng mga sinaunang bayani, may mga umusbong na mga listong bayani tulad ni Jose P. Rizal na utak at katatagan ang ginamit upang maikalap ang saloobin ng piping lahi ni Juan Dela Cruz. Hindi naging madali ang lahat para sa kanya ngunit siya’y nagtiyaga para sa kapakanan ng nakararami.

Marahil ika’y nakakaramdam na ng paninibago habang binabasa itong gawa ko. Mula sa mga mapang-Ingles kong mga akda, heto ako’t nagpapakabihasa sa ating pambansang wika. Pasensiya na. Sinadya kong Filipino ang wikang gagamitin upang mas matindi ang pagpapahiwatig ng tunay na kabuluhan ng napili kong paksa, kalayaan.

Habang ako’y nagninilay-nilay ngayon, napaisip tuloy ako, sino ba kasi ang nagpauso ng bayani? Bigla na lang ba itong umusbong dahil sa pagdating ni Magellan sa Mactan, Cebu? Paano ba? Paano nagkaroon ng mga datu? Alam na ba nila ang konsepto ng kayamanan noon? Kulang ba ako sa tapik ng historya o talagang may mga bagay lang na walang kasagutan? Sa pagpapatuloy, siguro, ang mga ito’y likas na sa ating salinlahi. Mahirap ipaliwanag kung paano sumibol ang mga kapita-pitagang Pinoy na tulad nina Emilio Aguinaldo, Lapu-Lapu, Ninoy Aquino, at iba pa. Tunay at taos sa kanilang puso ang pagtatanggol na kanilang ipinakita. Bagkus, ang katapangan at ang pagmamahal sa sariling bayan ay nakatatak na sa ating lipi.

Sa modernong panahon ngayon, samahan pa natin ng padating na Pambansang Eleksyon, wala sigurong makapagsasabi na tayo’y walang kalayaan. Napagtagumpayan na ito ng ilang beses. Ngunit sa totoo lang, para sa akin, hindi pa rin tayo malaya. Nakakagulat pero eto talaga ang sarili kong pagpapalagay. Sa paanong paraan? Oo, malaya nating naisasanay ang mga karapatang pantao. Malaya nating nasasabi ang anumang nasa ating damdamin. Malaya tayong pumili ng relihiyon. Malaya tayong pumunta sa saanmang lugar na nais nating puntahan. Malaya tayo sa maraming bagay. Ngunit, sa kabilang banda, magiging malaya pa ba tayo sa hawla ng mga mapagsamantalang lider ng lipunan? Maging malaya kaya ang bansang Pilipinas sa yungib ng kahirapan? Sa mga pagkakautang na lamang, sa laki nito, baka hindi magtagal at ibenta na ng pulitikong nasa gintong upuan ang sariling bayan na hahawlang muli sa buhay ng mga susunod na henerasyon. Kalayaan pa ba itong matuturing?

Ang kalayaan ay hindi lamang nasusukat sa kung gaano mo naipapahayag ang iyong sarili o sa kung paano mo nagagawa ang iyong mga kagustuhan. Ito ay labis na tumutukoy sa kasiyahan at galak na matagal ng ninanais abutin ng isang tao. Pormal man na naihayag ang kalayaan ng mga Pinoy, mananatili pa rin itong nakakulong sa maduming kamay ng mga tinuturing na tagapanguna ng lipunan. Pagmamalasakit, pagmamahal, at katapatan sa bayan ang dapat matutunan ng mga pinuno upang ang lahat ay maging malaya sa anumang aspeto ng buhay.

“At ngayon tilay’ malapit na ang kalayaan
Sa kuko na dala ang dilim eh bakit ako naaaning
Tuwing humihiyaw ang damdamin ng salinlahi ko
Iisa ang tunog sa pulso at yapak ng kapwa ko siraulo”

- Kalayaan by Bamboo

0 comments: